Ang Tao at ang Anak ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

(Click here for the first part)

mula sa pagbabahagi ni Fray Aaron sa Man Session 1 


Ang Lasa ng Diyos

Gusto mo ba ng pangit? Ok, ipagpalagay natin na wala kang pakialam sa pisikal na kagwapuhan o kagandahan, gusto mo ba ng pangit ang ugali?

Gusto mo ba ng masarap na pagkain? Ok, ipagpalagay nating wala kang pakialam sa lasa, syempre, gusto mo ‘yong nakakabusog di ba? 

Kapag masaya ka, di ba parang gusto mong huwag nang dumating ang bukas, at huwag nang matapos ang kasiyahang ito?

Di ba kapag may mabuting taong namatay tayo ay nalulungkot at sinasabi natin sana ‘yung presidente o mayor o ‘yong kaaway ko na lang ang namatay?

Gusto mo bang niloloko ka? S’yempre hindi ‘no? Gusto mo alam mo ‘yong totoo. Gusto nating malaman ang totoo, kahit sa bandang huli pwede tayong masaktan ng katotohanan, sabay magsisisi tayo na sana hindi na lang natin inalam. Pero bago mangyari ‘yon di natin naisip ang ganoon. Basta ang mahalaga malaman natin ang totoo.

Mahilig ka ba sa tsimis? Meron bang tsimoso’t tsismosa na nagtsimis ng tingin nila ay di totoo? Parang wala ‘no? Kahit tsimis ‘yon naniniwala sila na kahit papaano ay may katotohanan doon. At bentang- benta sa atin ‘yang mga tsimis na ‘yan. Kahit pa nga fictional character sa libro o sa manga.

Kapag nanood ka ng teleserye, o nagbabasa ka ng fiction novels, hindi ka makapaghintay na matapos ito o kaya ay ipalabas na agad ang susunod na kabanata. Hindi sanay ang utak natin sa mga ideyang bitin. Dapat makita ang ending, dapat makita ang kabuuan ng kwento, dapat makita ang katotohanan sa likod ng masalimuot na takbo ng mga pangyayari. Ganoon ka-obsessed ang tao sa katotohanan. Kahit pa ito’y patungkol sa mga gawang kathang-isip lamang.

Aminin na natin. Gusto natin ng mabuti, totoo, maganda, nakapagpapaligaya at walang katapusan. Ngunit sino o ano nga ba sa buong sansinukob ang tunay na mabuti, totoo, nakapagpapaligaya, walang katapusan at sakdal ang kagandahan? May kilala ka bang ganoon?

Mayroon! Syempre ang Diyos.

Kanina nabanggit na itinakda tayo ng Diyos sa sarili niya. Dahil dito hindi ba’t natural lamang na maghanap tayo ng mabuti, totoo, maganda, nakapagpapaligaya at walang katapusan? Nilikha tayo ng Diyos na hindi “poor taste.” Hindi “cheap” o “bakya” ang trip ng pagkatao natin. Tayo ay may panlasa na naghahanap ng lasa ng Diyos. Kung baga ang lasang ito o kaya ang amoy na ito ang gagabay sa ating paghahanap sa Diyos.

Ganoon din naman, lahat ng nilikha ng Diyos, kahit papaano’y nagtataglay ng lasa ng Diyos. Kaya nga nasasarapan tayo sa pagkain, nasisiyahan tayo sa mga bagay na pinagkakalibangan natin, nagwagwapuhan tayo o nagagandahan tayo sa kapwa natin, o (para doon sa mas mature na) nagagandahan tayo sa ugali ng kapwa natin kahit ano pa ang anyo nila. Iyon ay dahil sa Diyos sila galing. Sabi nga sa pilosopiya, Omne agens agit simile sibi. Kung ano ang gawin mo ipinapakita nito kung sino ka dahil mayroon itong pagkakatulad sa iyo. Kaya nga masasabi natin na sa mga taong ating minamahal at sa mga bagay na nagpapasiya sa atin, sa kanila natin nalalasap ang “patikim” ng lasa ng Diyos, ‘pagkat sila ay gawa ng Diyos.
‘Yon nga lang, dahil pawang lahat ay likha lamang ng Diyos, wala sa kahit isa sa atin ang nagtataglay ng ganap na kabutihan, kagandahan, katotohanan, kaligayahan, at kawalang hanggan.

Lahat ng kayamanan nauubos;
Lahat ng masarap na pagkain, nauubos o napapanis;
Lahat ng gwapo’t maganda, tatanda, kukulubot at babantot;
Lahat ng kaalaman, katotohanan, at tsimis sa mundo nagtatapos sa mas maraming tanong;
Lahat ng kasiyahan may katapusan, tulad bukas Lunes na naman;
Lahat ng mabuting tao, kahit anong buti pa niya, balang araw siya’y mamamatay.

Kaya nga ang pinakamahalagang utos ng Diyos sa tao ay ganito: IBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIYOS NG BUONG PUSO, BUONG KALULUWA, AT BUONG LAKAS, dahil S’ya lamang ay nagtataglay ng tunay na lasa na hinahanap natin. Hindi naman sinasabi ng Diyos na itakwil na natin ang lahat ng nilikha Niya. Ayos lang namang matuwa tayo sa kanila dahil kaloob sila ng Diyos sa atin at kahit papaano’y larawan sila ng Diyos. Kaya nga ang pagmamahal sa kapwa at sa lahat ng nilikha ng Diyos ay patunay lang nang ating masigasig na paghahanap sa Diyos. Ang masama ay kung hanggang doon lamang ang kaligayahan natin sa buhay. ‘Yon ang tinatawag nilang: “Yuck! Poor taste!”

Ang Tao at ang Anak ng Diyos (Unang Bahagi)

hango mula sa pagbabahagi ni Fray Aaron Reyes sa 'Man' Session 1


Marami tayong masasabi kung ano tayo at sino tayo. Ngunit kung meron man na makapagsasabi ng pinakamahalagang katotohanan kung ano tayong mga tao, ‘yon ay walang iba kundi ang Diyos na lumikha sa atin.

Sa pitong titik ng MUKHA A.D., dalawa dito ang pinakamahalaga, ang A at D. Sapagkat dito natin makikita ang pinakadahilan kung bakit may MUKHA A.D.: ang Anak ng Diyos na s’yang nais nating makatulad sa paghubog sa atin sa MUKHA A.D. Natural na resulta na lang nito ang masiglang ugnayan. Bonus kung baga.

Sa pamamagitang din ng dalawang titik na ito ay susubukan nating pagnilayan ang mga sumusunod na katanungan: Sino tayong mga tao? Ano ang plano ng Diyos para sa atin? At ano ang mahalagang papel ng Anak ng Diyos sa kapalaran nating mga tao?

I. Sino Tayong mga Tao?

AD DEUM: Para sa Diyos

“Our hearts are restless until they rest in you”

May isang babae na inis na inis nang sabihan siya ng isang lalake ng ganito: “Piliin mo lang ako at liligaya ka.” Malamang pumasok sa isip ng babae, “assuming.” Lalo na siguro kung hindi niya type iyong lalake. Pero malamang kung saksakan ng gwapo ‘yung lalake at type na type naman sya n’yung babae, hindi siguro magagalit ‘yung babae. Malamang, sa oras na iyon ay sagutin niya agad ito ng “Oo.”

Ngayon kung sabihin ng Diyos ang ganoon sa atin, “Piliin mo lamang ako at liligaya ka.” Masasabi ba natin sa Diyos na “assuming” s’ya? O kaya’y “Feeling mo naman, Lord.”

Ganito ang itinuturo ng ating pananampalataya: tayo ay itinakda ng Diyos para sa kanya. Sa unang tingin parang napakamakasarili ng Diyos o di naman kaya ay napaka-assuming naman niya na liligaya tayo sa kanya. Ngunit, mali nga bang iderekta tayo ng Diyos sa sarili niya? Bunga nga ba ito ng pagiging makasarili niya.

Maraming magulang ang sinasabi sa kanilang mga anak na edukasyon lamang ang kayamanang kanilang maiiwan para sa kanilang mga anak. ‘Yon namang iba gusto ng shortcut. “Anak, mag-asawa ka na lang ng mayaman. Kahit pangit. At least may pera ka at mabibili mo na ang kahit anong gusto mo. Mababalatuhan mo pa kami.” Halos lahat ng magulang idinederekta ang mga anak nila sa kung anong tingin nila ay “makakabuti” dito. Hindi nila idinederekta ang mga anak nila sa sarili nila, dahil alam nila wala sa kanila ang kaligayahan ng kanilang mga anak. Alam nila na darating din ang panahon at lilipas ang kanilang lakas, at hindi na nila magagawa pang mapunan ang mga pangangailangan ng kanilang anak. Malinaw na malinaw na wala sa kanila ang kaligayahan ng kanilang mga anak kundi “external” ito sa kanila. Kung may magulang lamang na kayang mabuhay magpakailanman at kayang ibigay lahat ng makapagpapaligaya at mabuti sa kanilang anak, malamang ang magulang na ito ay hindi na idederekta ang kanilang mga anak sa mga na “external” sa kanila tulad ng edukasyon at mayamang asawa.

Ganoon ang mga mortal nating magulang, ngunit hindi ang Diyos. Wala s’yang hangganan at nasa kanya ang lahat ng makapagpapaligaya sa atin. O para mas tama, siya lamang ang makapupuno sa lahat ng kauhawan natin. Hindi external sa Diyos, o wala sa labas n’ya ang tunay na kaligayahan dahil s’ya mismo ang kaligayahan. At malinaw sa kanya ang katotohanang ito. Alam na alam n’ya iyon. Kaya walang kagatol-gatol, ni halong pagyayabang o pagkamakasarili na masasabi sa atin ng Diyos, “Piliin mo lamang ako at liligya ka.”


Walang Halong Echos

by: Fray Garing

Marami ng tumanda sa MUKHA AD. Yung iba naabutan pa yung first airing ng Voltes V sa Pilipinas. Yung iba naman naniniwala hanggang ngayon na lahat ng nakikita sa malls, overpass, bangketa ay nanggagaling sa Divisoria. Meron din namang nasubaybayan pa ang pagdadalaga ni Maricel Soriano sa John en Marsha. May nakaabot din sa panahong ang tawag sa sosyal at imported na gamit e PX goods, at ito rin yung mga taong ang age-range e inaabangan pa ang antics ng Escalera brothers sa Iskul Bukol tuwing gabi. Ganun katanda.

Marami ding bumabata sa MUKHA AD. Yung mga naka-corporate attire kapag weekdays at kuntodo ang pagkapormal e nagcocoloring book sa linggo at tumitili habang gumagawa ng bahay ng gagambang yari sa straw sa sanga-sanga ng puno ng kalachuchi. May mga pa-mature effect din pero in the end kung umacting sa stage ay wagas sa pagka lukaret. Matindi ang kumpetisyon kumbaga. Hahatakin ka sa pagkabata kasi kahit birthday hindi pinapatawad. Tuwing may kaarawan ang birthday cake ay doughnut na tinusukan ng kandilang hugis tao (yung kulay pula na nabibili sa Quiapo, hehe joke lang). Basta doughnut yun na tinusukan ng kandila na sasabayan ng malupit na Happy Birthday song. Masaya naman sila. Dito ang daming nangyayari, hahatakin ka talaga sa pagkabata. Ika nga ng ilan “Linggo-linggo laging may bago.”

Marami din namang tumatanda sa MUKHA AD. Walang halong echos to. May mga nakasalamuha na din kaming mga Emo dito at mga taong nakakulong sa mundo ng tamagotchi. Yung una dapat laging malungkot-effect at parang nagpadila muna sa elepante para tumigas ang buhok saka pupunta sa MUKHA AD. Yung pangalawa namatayan ng tamagotchi kasi buong araw nakipagtsismisan sa MUKHA AD hindi na napakain yung mukhang tetris niyang alaga. Meron din namang astig! Yung tipong sasapakin ka kung makatingin at sa sharing ipinamagmamalaking “black sheep” daw sila. Pero nung lumaon tumitino din naman hehe. Peace lang. Anyway ang sabi nga ng matatanda maturity comes with a healthy acceptance of one’s self. Pero sa isang banda mahalaga din namang tanggap ka ng isang komunidad kahit sino o ano ka man, o saang planeta o subterranean place ka man nanggaling para matanggap mo ang sarili mo. Marami na rin ang nagsabi na yan ang karisma ng MUKHA AD. Hug ka namin dito.           

Balanse ang MUKHA AD. Seryoso sa pag-aaral, honest sa personal sharings, cool sa games at magaan kakuwentuhan over 3 in 1 coffee. Sa loob ng dalawmpu’t tatlong taon marami na ding tumino at nagpatino ng tao dito, yung iba may pamilya na, may housewife, househusband, abogado, teacher, doctor, nurse, pari, madre at napabibilang sa kung anu-ano pang propesyon at bokasyon.

Sa MUKHA AD importante ang pagdarasal. Sabi nga ni Peter Rosegger (1843-1918, Austrian writer) “People used to say: Give your soul a Sunday! Now they say: Give your Sunday a soul!” Kaya tuwing linggo kalakip ng pagsisimba ang pag-attend sa MUKHA AD. Marami sa kabataan ayaw ng churchy-churchy group kasi hindi daw fashionable, pero hindi naman ito fashion-fashion lang. Ang kahalagahan ng pagdarasal at pananampalataya ay buhat sa malalim na karanasan ng tao, lalo na yung mga nauna sa atin, sabi nga ni Blaise Pascal (1588-1651) “Do you want to come to believe but do not know the way? Learn from those who were tormented by doubts before you. Imitate their way of acting, do everything that the faith requires, as though you were already a believer. Attend Mass, use holy water, and so on. That will no doubt make you simple and lead you to faith.” 


Hindi naman kailangang maging heavy ang buhay, pero dapat may weight. Kung sino ka man hindi buburahin ng MUKHA AD ang mukha ng iyong karanasan. Sa iyong karanasan nagpapakilala ang Diyos, ang Diyos na nagpakilala: si Kristo. Nawa’y magkakilala tayo. Magpakilala, kilalanin natin ang isa’t isa.