Marami tayong masasabi kung ano
tayo at sino tayo. Ngunit kung meron man na makapagsasabi ng pinakamahalagang
katotohanan kung ano tayong mga tao, ‘yon ay walang iba kundi ang Diyos na
lumikha sa atin.
Sa pitong titik ng MUKHA A.D.,
dalawa dito ang pinakamahalaga, ang A at D. Sapagkat dito natin makikita ang
pinakadahilan kung bakit may MUKHA A.D.: ang Anak ng Diyos na s’yang nais
nating makatulad sa paghubog sa atin sa MUKHA A.D. Natural na resulta na lang
nito ang masiglang ugnayan. Bonus kung baga.
Sa pamamagitang din ng dalawang
titik na ito ay susubukan nating pagnilayan ang mga sumusunod na katanungan:
Sino tayong mga tao? Ano ang plano
ng Diyos para sa atin? At ano ang mahalagang papel ng Anak ng Diyos sa
kapalaran nating mga tao?
I. Sino Tayong mga Tao?
AD DEUM: Para sa Diyos
“Our hearts are restless until
they rest in you”
May isang babae na inis na inis
nang sabihan siya ng isang lalake ng ganito: “Piliin mo lang ako at liligaya
ka.” Malamang pumasok sa isip ng babae, “assuming.” Lalo na siguro kung hindi
niya type iyong lalake. Pero malamang kung saksakan ng gwapo ‘yung lalake at
type na type naman sya n’yung babae, hindi siguro magagalit ‘yung babae.
Malamang, sa oras na iyon ay sagutin niya agad ito ng “Oo.”
Ngayon kung sabihin ng Diyos ang
ganoon sa atin, “Piliin mo lamang ako at liligaya ka.” Masasabi ba natin sa
Diyos na “assuming” s’ya? O kaya’y “Feeling mo naman, Lord.”
Ganito ang itinuturo ng ating
pananampalataya: tayo ay itinakda ng Diyos para sa kanya. Sa unang tingin
parang napakamakasarili ng Diyos o di naman kaya ay napaka-assuming naman niya
na liligaya tayo sa kanya. Ngunit, mali nga bang iderekta tayo ng
Diyos sa sarili niya? Bunga nga ba ito ng pagiging makasarili niya.
Maraming
magulang ang sinasabi sa kanilang mga anak na edukasyon lamang ang kayamanang
kanilang maiiwan para sa kanilang mga anak. ‘Yon namang iba gusto ng shortcut. “Anak, mag-asawa ka na lang ng
mayaman. Kahit pangit. At least may pera ka at mabibili mo na ang kahit anong
gusto mo. Mababalatuhan mo pa kami.” Halos lahat ng magulang idinederekta ang
mga anak nila sa kung anong tingin nila ay “makakabuti” dito. Hindi nila
idinederekta ang mga anak nila sa sarili nila, dahil alam nila wala sa kanila
ang kaligayahan ng kanilang mga anak. Alam nila na darating din ang panahon at
lilipas ang kanilang lakas, at hindi na nila magagawa pang mapunan ang mga
pangangailangan ng kanilang anak. Malinaw na malinaw na wala sa kanila ang
kaligayahan ng kanilang mga anak kundi “external” ito sa kanila. Kung may
magulang lamang na kayang mabuhay magpakailanman at kayang ibigay lahat ng
makapagpapaligaya at mabuti sa kanilang anak, malamang ang magulang na ito ay
hindi na idederekta ang kanilang mga anak sa mga na “external” sa kanila tulad
ng edukasyon at mayamang asawa.
Ganoon ang mga
mortal nating magulang, ngunit hindi ang Diyos. Wala s’yang hangganan at nasa
kanya ang lahat ng makapagpapaligaya sa atin. O para mas tama, siya lamang ang
makapupuno sa lahat ng kauhawan natin. Hindi external sa Diyos, o wala sa labas
n’ya ang tunay na kaligayahan dahil s’ya mismo ang kaligayahan. At malinaw sa
kanya ang katotohanang ito. Alam na alam n’ya iyon. Kaya walang kagatol-gatol,
ni halong pagyayabang o pagkamakasarili na masasabi sa atin ng Diyos, “Piliin
mo lamang ako at liligya ka.”
0 comments:
Post a Comment