Walang Halong Echos

by: Fray Garing

Marami ng tumanda sa MUKHA AD. Yung iba naabutan pa yung first airing ng Voltes V sa Pilipinas. Yung iba naman naniniwala hanggang ngayon na lahat ng nakikita sa malls, overpass, bangketa ay nanggagaling sa Divisoria. Meron din namang nasubaybayan pa ang pagdadalaga ni Maricel Soriano sa John en Marsha. May nakaabot din sa panahong ang tawag sa sosyal at imported na gamit e PX goods, at ito rin yung mga taong ang age-range e inaabangan pa ang antics ng Escalera brothers sa Iskul Bukol tuwing gabi. Ganun katanda.

Marami ding bumabata sa MUKHA AD. Yung mga naka-corporate attire kapag weekdays at kuntodo ang pagkapormal e nagcocoloring book sa linggo at tumitili habang gumagawa ng bahay ng gagambang yari sa straw sa sanga-sanga ng puno ng kalachuchi. May mga pa-mature effect din pero in the end kung umacting sa stage ay wagas sa pagka lukaret. Matindi ang kumpetisyon kumbaga. Hahatakin ka sa pagkabata kasi kahit birthday hindi pinapatawad. Tuwing may kaarawan ang birthday cake ay doughnut na tinusukan ng kandilang hugis tao (yung kulay pula na nabibili sa Quiapo, hehe joke lang). Basta doughnut yun na tinusukan ng kandila na sasabayan ng malupit na Happy Birthday song. Masaya naman sila. Dito ang daming nangyayari, hahatakin ka talaga sa pagkabata. Ika nga ng ilan “Linggo-linggo laging may bago.”

Marami din namang tumatanda sa MUKHA AD. Walang halong echos to. May mga nakasalamuha na din kaming mga Emo dito at mga taong nakakulong sa mundo ng tamagotchi. Yung una dapat laging malungkot-effect at parang nagpadila muna sa elepante para tumigas ang buhok saka pupunta sa MUKHA AD. Yung pangalawa namatayan ng tamagotchi kasi buong araw nakipagtsismisan sa MUKHA AD hindi na napakain yung mukhang tetris niyang alaga. Meron din namang astig! Yung tipong sasapakin ka kung makatingin at sa sharing ipinamagmamalaking “black sheep” daw sila. Pero nung lumaon tumitino din naman hehe. Peace lang. Anyway ang sabi nga ng matatanda maturity comes with a healthy acceptance of one’s self. Pero sa isang banda mahalaga din namang tanggap ka ng isang komunidad kahit sino o ano ka man, o saang planeta o subterranean place ka man nanggaling para matanggap mo ang sarili mo. Marami na rin ang nagsabi na yan ang karisma ng MUKHA AD. Hug ka namin dito.           

Balanse ang MUKHA AD. Seryoso sa pag-aaral, honest sa personal sharings, cool sa games at magaan kakuwentuhan over 3 in 1 coffee. Sa loob ng dalawmpu’t tatlong taon marami na ding tumino at nagpatino ng tao dito, yung iba may pamilya na, may housewife, househusband, abogado, teacher, doctor, nurse, pari, madre at napabibilang sa kung anu-ano pang propesyon at bokasyon.

Sa MUKHA AD importante ang pagdarasal. Sabi nga ni Peter Rosegger (1843-1918, Austrian writer) “People used to say: Give your soul a Sunday! Now they say: Give your Sunday a soul!” Kaya tuwing linggo kalakip ng pagsisimba ang pag-attend sa MUKHA AD. Marami sa kabataan ayaw ng churchy-churchy group kasi hindi daw fashionable, pero hindi naman ito fashion-fashion lang. Ang kahalagahan ng pagdarasal at pananampalataya ay buhat sa malalim na karanasan ng tao, lalo na yung mga nauna sa atin, sabi nga ni Blaise Pascal (1588-1651) “Do you want to come to believe but do not know the way? Learn from those who were tormented by doubts before you. Imitate their way of acting, do everything that the faith requires, as though you were already a believer. Attend Mass, use holy water, and so on. That will no doubt make you simple and lead you to faith.” 


Hindi naman kailangang maging heavy ang buhay, pero dapat may weight. Kung sino ka man hindi buburahin ng MUKHA AD ang mukha ng iyong karanasan. Sa iyong karanasan nagpapakilala ang Diyos, ang Diyos na nagpakilala: si Kristo. Nawa’y magkakilala tayo. Magpakilala, kilalanin natin ang isa’t isa.