Ang Tao at ang Anak ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

(Click here for the first part)

mula sa pagbabahagi ni Fray Aaron sa Man Session 1 


Ang Lasa ng Diyos

Gusto mo ba ng pangit? Ok, ipagpalagay natin na wala kang pakialam sa pisikal na kagwapuhan o kagandahan, gusto mo ba ng pangit ang ugali?

Gusto mo ba ng masarap na pagkain? Ok, ipagpalagay nating wala kang pakialam sa lasa, syempre, gusto mo ‘yong nakakabusog di ba? 

Kapag masaya ka, di ba parang gusto mong huwag nang dumating ang bukas, at huwag nang matapos ang kasiyahang ito?

Di ba kapag may mabuting taong namatay tayo ay nalulungkot at sinasabi natin sana ‘yung presidente o mayor o ‘yong kaaway ko na lang ang namatay?

Gusto mo bang niloloko ka? S’yempre hindi ‘no? Gusto mo alam mo ‘yong totoo. Gusto nating malaman ang totoo, kahit sa bandang huli pwede tayong masaktan ng katotohanan, sabay magsisisi tayo na sana hindi na lang natin inalam. Pero bago mangyari ‘yon di natin naisip ang ganoon. Basta ang mahalaga malaman natin ang totoo.

Mahilig ka ba sa tsimis? Meron bang tsimoso’t tsismosa na nagtsimis ng tingin nila ay di totoo? Parang wala ‘no? Kahit tsimis ‘yon naniniwala sila na kahit papaano ay may katotohanan doon. At bentang- benta sa atin ‘yang mga tsimis na ‘yan. Kahit pa nga fictional character sa libro o sa manga.

Kapag nanood ka ng teleserye, o nagbabasa ka ng fiction novels, hindi ka makapaghintay na matapos ito o kaya ay ipalabas na agad ang susunod na kabanata. Hindi sanay ang utak natin sa mga ideyang bitin. Dapat makita ang ending, dapat makita ang kabuuan ng kwento, dapat makita ang katotohanan sa likod ng masalimuot na takbo ng mga pangyayari. Ganoon ka-obsessed ang tao sa katotohanan. Kahit pa ito’y patungkol sa mga gawang kathang-isip lamang.

Aminin na natin. Gusto natin ng mabuti, totoo, maganda, nakapagpapaligaya at walang katapusan. Ngunit sino o ano nga ba sa buong sansinukob ang tunay na mabuti, totoo, nakapagpapaligaya, walang katapusan at sakdal ang kagandahan? May kilala ka bang ganoon?

Mayroon! Syempre ang Diyos.

Kanina nabanggit na itinakda tayo ng Diyos sa sarili niya. Dahil dito hindi ba’t natural lamang na maghanap tayo ng mabuti, totoo, maganda, nakapagpapaligaya at walang katapusan? Nilikha tayo ng Diyos na hindi “poor taste.” Hindi “cheap” o “bakya” ang trip ng pagkatao natin. Tayo ay may panlasa na naghahanap ng lasa ng Diyos. Kung baga ang lasang ito o kaya ang amoy na ito ang gagabay sa ating paghahanap sa Diyos.

Ganoon din naman, lahat ng nilikha ng Diyos, kahit papaano’y nagtataglay ng lasa ng Diyos. Kaya nga nasasarapan tayo sa pagkain, nasisiyahan tayo sa mga bagay na pinagkakalibangan natin, nagwagwapuhan tayo o nagagandahan tayo sa kapwa natin, o (para doon sa mas mature na) nagagandahan tayo sa ugali ng kapwa natin kahit ano pa ang anyo nila. Iyon ay dahil sa Diyos sila galing. Sabi nga sa pilosopiya, Omne agens agit simile sibi. Kung ano ang gawin mo ipinapakita nito kung sino ka dahil mayroon itong pagkakatulad sa iyo. Kaya nga masasabi natin na sa mga taong ating minamahal at sa mga bagay na nagpapasiya sa atin, sa kanila natin nalalasap ang “patikim” ng lasa ng Diyos, ‘pagkat sila ay gawa ng Diyos.
‘Yon nga lang, dahil pawang lahat ay likha lamang ng Diyos, wala sa kahit isa sa atin ang nagtataglay ng ganap na kabutihan, kagandahan, katotohanan, kaligayahan, at kawalang hanggan.

Lahat ng kayamanan nauubos;
Lahat ng masarap na pagkain, nauubos o napapanis;
Lahat ng gwapo’t maganda, tatanda, kukulubot at babantot;
Lahat ng kaalaman, katotohanan, at tsimis sa mundo nagtatapos sa mas maraming tanong;
Lahat ng kasiyahan may katapusan, tulad bukas Lunes na naman;
Lahat ng mabuting tao, kahit anong buti pa niya, balang araw siya’y mamamatay.

Kaya nga ang pinakamahalagang utos ng Diyos sa tao ay ganito: IBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIYOS NG BUONG PUSO, BUONG KALULUWA, AT BUONG LAKAS, dahil S’ya lamang ay nagtataglay ng tunay na lasa na hinahanap natin. Hindi naman sinasabi ng Diyos na itakwil na natin ang lahat ng nilikha Niya. Ayos lang namang matuwa tayo sa kanila dahil kaloob sila ng Diyos sa atin at kahit papaano’y larawan sila ng Diyos. Kaya nga ang pagmamahal sa kapwa at sa lahat ng nilikha ng Diyos ay patunay lang nang ating masigasig na paghahanap sa Diyos. Ang masama ay kung hanggang doon lamang ang kaligayahan natin sa buhay. ‘Yon ang tinatawag nilang: “Yuck! Poor taste!”

0 comments:

Post a Comment