Tandang-tanda ko ang
hapong iyon. Galing ako noon sa Manaoag sa aking pagraradyo (Segue: U-Speak po sa 102.3FM Radyo Manaoag,
Saturdays, 6:30-8:00 PM), dumiretso ako sa Santo Domingo para sa Faith
Sharing ng Mukha Ad para sa Module 2 – Family. Sa pagtatapos ng pagbabahagi,
ibinalita sa amin na kami ay magkakaroon ng Team Building sa susunod na
dalawang linggo. Nagising ang lahat sa balita... Lalabas kami ng Santo Domingo!
Marami na rin akong
sinamahang Team Building session, at doon ay nabibigyan ako ng pagkakataong
makilala ang mga taong pinili kong makasama sa organisasyon. Marami akong
nalalaman tungkol sa kanila, lalo na ang halaga ng tiwala at pakikisama.
Subalit nang dumating ang Team Building ng Mukha AD, nag-iba ang pananaw ko
tungkol sa dalawang salitang ito. Hindi lang tiwala at pakikisama ang tinuro
nito sa amin, kundi ang halaga ng salitang pagkakaibigan at pagtutulungan.
Tunay ngang Angat sa lahat!
September 09, 2012,
ang araw na pinakahihintay ng buong Batch 23. Sa sobrang excitement, kahit ang
mga ka-batch kong nagigising ng late (lalo
na ako) ay pinilit na magising ng super aga para makarating bago ang call
time na 8:30. Kahit nga sa aming mga postura, halatang pinaghandaan ng mga
kasali ang araw na ito.
Handa na ang lahat,
kaya sugod-sugod na rin sa aming destinasyon, ang La Mesa Ecopark.
TO ACT JUSTLY...
Sa pagsisimula ng Team
Building, ginawa namin ang kontrobersyal (^^) na Shibashi na pinangunahan ni
Kuya Aaron. Kontrobersyal, kasi Grand Opening pa lang naririnig na namin ito,
subalit wala kaming ideya kung paano ito gagawin. Iyun naman pala, ito ay isang
breathing exercise na nagbibigay ng dagdag na lakas sa katawan at focus sa
isipan, parang Tai Chi at Kung-fu na pinagsama.
Sa totoo lang, umpisa
pa lang ay feeling bored na kami dahil inhale-exhale lang ang nangyayari with
matching moves, subalit nang nakita na namin si Kuya Aaron na tagaktak na ng
pawis, na-realize namin na kami man ay pinagpapawisan na rin ng wagas.
Nakaramdam kami ng dagdag na energy para magawa ang mga challenges sa araw na
iyun. Kailangang makipag-ugnayan rin
pala sa aming kalikasan at kapaligiran upang makita ang biyaya ng Panginoon,
tulad ng pakikipag-ugnayan namin sa aming kapwa Mukha AD-er, tulad ng paggawa
natin ng mabuti sa kapwa kabataan.
TO LOVE TENDERLY...
Hinati kami sa tatlong
team: Team Matatag, Team Gwaping at Team Muscle. Maraming challenges na dapat
gawin, at kita sa lahat ng miyembro ng bawat team ang determinasyon na magawa
at mapagwagian ang bawat hamon. Tulung-tulong ang bawat isa para malagpasan ang
bawat challenge at magwagi sa race. Teamwork at determination nga talaga ang
puhunan upang manalo sa bahaging ito ng Team Building.
Pero para sa team
namin, nagkaroon pa ito ng mas malalim na kahulugan. Biglang inatake ng hika
ang isa naming teammate, kaya nawalan kami ng isang kasama. Subalit imbes na
manghina at mawalan ng lakas, lalo pa kaming nagsumikap na matapos ang bawat
challenge at mapagtagumpayan ito. Kung baga nga, dito namin nakita ang halaga
ng pagsasama-sama at pagtutulungan. Sa
isang team pala, hindi tama ang sabihing ‘buti nga sa iyo,’ o ‘bahala ka sa
buhay mo;’ mas magandang marinig mula sa ating kasama ang mga salitang,
‘magkakasama tayo, magtutulungan tayo.’ Di ba nga ito ang hangad sa atin ng
Diyos, na maging magkakasama sa bawat pagsubok, magtulungan sa hirap at
ginhawa?
TO WALK HUMBLY WITH OUR GOD...
Pagkatapos ng charade,
hinanda na kami para sa second part ng Team Building, ang Trust Walk at Trust
Fall. Sabi nila, di ka daw certified Mukha Ader kung di mo ito pagdadaanan.
Simple lang ang instruction, walang bibitaw sa pila at sundin lang ang instruction
ng leader. Naka-piring ang mata, binagtas namin ang buong kagubatan ng La Mesa.
Marami kaming narinig at naramdaman sa kapaligiran, hanggang sa pahintuin kami
at isa-isang patihulugin samantalang may sumasalo sa amin.
Hindi namin alam kung
saan kami dadalhin o kung ano ang gagawin sa amin, subalit ginawa pa rin namin,
dahil alam naming di kami mapapahamak. Tiwala
ang puhunan upang magkaroon ng isang mabuting samahan. Tiwala, ibig sabihin,
isang malalim na pagkakilala sa iyong kasama, pagtanggap sa kanyang kahinaan at
pakikibahagi sa kanyang kaligayahan. Parang si BRO, di natin alam kung ano ang
darating sa buhay natin, subalit tuloy lang tayo sa pagsunod sa kanya, dahil
nagtitiwala tayong dadalhin tayo ng Panginoon sa kabutihan at di niya tayo
pababayaan.
Naalala ko yung unang
beses na magkakasama kami. Hindi kami magkakakilala (liban sa mga talagang nasa Santo Domingo na), di namin alam kung
ano ang aming papasukin. Ngayon, makalipas ang walong linggo, eto na kami,
nagtatawanang sama-sama, nakikinig ng sama-sama, nakikipag-ugnayan sa bawat
isa. Dating tahimik at ilag sa kasama, ngayo’y mas malalakas pa ang boses pag
nagkita-kita. Sa ibang salita, talagang maraming bagay na ang nagbago. Narito na ang ugnayan, isang magulo,
kakaiba at MASIGLANG UGNAYAN na nagbubuklod sa amin sa bawat isa, at kaming
lahat patungo sa Diyos.
Ito nga siguro ang hiwaga ang Mukha Ad: ano man
ang iyong pinagmulan o kinamulatan, kaya nitong pag-isahin ang ating mga
kakayahan at maging epektibong tanda ng pakikipag-ugnay ng Diyos sa lahat. Tinuturuan tayo dito na marunong makibahagi ang
Diyos sa pamamagitan ng pakikibahagi natin sa kapwa. Kabataan man tayo, hindi
ito hadlang upang ipakilala ang Panginoon sa lahat. Kung tayo ay iisa, wala
tayong magagawa; subalit kung kasama ang Diyos at ang kapwa, marami tayong
magagawa!
Hindi lamang ito isang
Team Building para sa akin, ito ay isang karanasang hindi malilimutan, angat
talaga sa lahat! Sa lahat ng aking mga pinagdaanan sa araw na ito, masasabi
kong tunay na biyaya sa akin – at sa amin – ng Diyos ang Mukha Ad.
MAD FOREVER! ^^
==
sirbitz.blogspot.com
urdose.blogspot.com
0 comments:
Post a Comment