Angat sa Lahat!

 pagbabahagi ni Weldann 'Bitoy' Panganiban (Batch 23)


Tandang-tanda ko ang hapong iyon. Galing ako noon sa Manaoag sa aking pagraradyo (Segue: U-Speak po sa 102.3FM Radyo Manaoag, Saturdays, 6:30-8:00 PM), dumiretso ako sa Santo Domingo para sa Faith Sharing ng Mukha Ad para sa Module 2 – Family. Sa pagtatapos ng pagbabahagi, ibinalita sa amin na kami ay magkakaroon ng Team Building sa susunod na dalawang linggo. Nagising ang lahat sa balita... Lalabas kami ng Santo Domingo!

Marami na rin akong sinamahang Team Building session, at doon ay nabibigyan ako ng pagkakataong makilala ang mga taong pinili kong makasama sa organisasyon. Marami akong nalalaman tungkol sa kanila, lalo na ang halaga ng tiwala at pakikisama. Subalit nang dumating ang Team Building ng Mukha AD, nag-iba ang pananaw ko tungkol sa dalawang salitang ito. Hindi lang tiwala at pakikisama ang tinuro nito sa amin, kundi ang halaga ng salitang pagkakaibigan at pagtutulungan. Tunay ngang Angat sa lahat!

September 09, 2012, ang araw na pinakahihintay ng buong Batch 23. Sa sobrang excitement, kahit ang mga ka-batch kong nagigising ng late (lalo na ako) ay pinilit na magising ng super aga para makarating bago ang call time na 8:30. Kahit nga sa aming mga postura, halatang pinaghandaan ng mga kasali ang araw na ito.
Handa na ang lahat, kaya sugod-sugod na rin sa aming destinasyon, ang La Mesa Ecopark.



TO ACT JUSTLY...

Sa pagsisimula ng Team Building, ginawa namin ang kontrobersyal (^^) na Shibashi na pinangunahan ni Kuya Aaron. Kontrobersyal, kasi Grand Opening pa lang naririnig na namin ito, subalit wala kaming ideya kung paano ito gagawin. Iyun naman pala, ito ay isang breathing exercise na nagbibigay ng dagdag na lakas sa katawan at focus sa isipan, parang Tai Chi at Kung-fu na pinagsama.


Sa totoo lang, umpisa pa lang ay feeling bored na kami dahil inhale-exhale lang ang nangyayari with matching moves, subalit nang nakita na namin si Kuya Aaron na tagaktak na ng pawis, na-realize namin na kami man ay pinagpapawisan na rin ng wagas. Nakaramdam kami ng dagdag na energy para magawa ang mga challenges sa araw na iyun. Kailangang makipag-ugnayan rin pala sa aming kalikasan at kapaligiran upang makita ang biyaya ng Panginoon, tulad ng pakikipag-ugnayan namin sa aming kapwa Mukha AD-er, tulad ng paggawa natin ng mabuti sa kapwa kabataan.

TO LOVE TENDERLY...

Hinati kami sa tatlong team: Team Matatag, Team Gwaping at Team Muscle. Maraming challenges na dapat gawin, at kita sa lahat ng miyembro ng bawat team ang determinasyon na magawa at mapagwagian ang bawat hamon. Tulung-tulong ang bawat isa para malagpasan ang bawat challenge at magwagi sa race. Teamwork at determination nga talaga ang puhunan upang manalo sa bahaging ito ng Team Building.
Pero para sa team namin, nagkaroon pa ito ng mas malalim na kahulugan. Biglang inatake ng hika ang isa naming teammate, kaya nawalan kami ng isang kasama. Subalit imbes na manghina at mawalan ng lakas, lalo pa kaming nagsumikap na matapos ang bawat challenge at mapagtagumpayan ito. Kung baga nga, dito namin nakita ang halaga ng pagsasama-sama at pagtutulungan. Sa isang team pala, hindi tama ang sabihing ‘buti nga sa iyo,’ o ‘bahala ka sa buhay mo;’ mas magandang marinig mula sa ating kasama ang mga salitang, ‘magkakasama tayo, magtutulungan tayo.’ Di ba nga ito ang hangad sa atin ng Diyos, na maging magkakasama sa bawat pagsubok, magtulungan sa hirap at ginhawa?


TO WALK HUMBLY WITH OUR GOD...

Pagkatapos ng charade, hinanda na kami para sa second part ng Team Building, ang Trust Walk at Trust Fall. Sabi nila, di ka daw certified Mukha Ader kung di mo ito pagdadaanan. Simple lang ang instruction, walang bibitaw sa pila at sundin lang ang instruction ng leader. Naka-piring ang mata, binagtas namin ang buong kagubatan ng La Mesa. Marami kaming narinig at naramdaman sa kapaligiran, hanggang sa pahintuin kami at isa-isang patihulugin samantalang may sumasalo sa amin.

Hindi namin alam kung saan kami dadalhin o kung ano ang gagawin sa amin, subalit ginawa pa rin namin, dahil alam naming di kami mapapahamak. Tiwala ang puhunan upang magkaroon ng isang mabuting samahan. Tiwala, ibig sabihin, isang malalim na pagkakilala sa iyong kasama, pagtanggap sa kanyang kahinaan at pakikibahagi sa kanyang kaligayahan. Parang si BRO, di natin alam kung ano ang darating sa buhay natin, subalit tuloy lang tayo sa pagsunod sa kanya, dahil nagtitiwala tayong dadalhin tayo ng Panginoon sa kabutihan at di niya tayo pababayaan.

Naalala ko yung unang beses na magkakasama kami. Hindi kami magkakakilala (liban sa mga talagang nasa Santo Domingo na), di namin alam kung ano ang aming papasukin. Ngayon, makalipas ang walong linggo, eto na kami, nagtatawanang sama-sama, nakikinig ng sama-sama, nakikipag-ugnayan sa bawat isa. Dating tahimik at ilag sa kasama, ngayo’y mas malalakas pa ang boses pag nagkita-kita. Sa ibang salita, talagang maraming bagay na ang nagbago. Narito na ang ugnayan, isang magulo, kakaiba at MASIGLANG UGNAYAN na nagbubuklod sa amin sa bawat isa, at kaming lahat patungo sa Diyos.


Ito nga siguro ang hiwaga ang Mukha Ad: ano man ang iyong pinagmulan o kinamulatan, kaya nitong pag-isahin ang ating mga kakayahan at maging epektibong tanda ng pakikipag-ugnay ng Diyos sa lahat. Tinuturuan tayo dito na marunong makibahagi ang Diyos sa pamamagitan ng pakikibahagi natin sa kapwa. Kabataan man tayo, hindi ito hadlang upang ipakilala ang Panginoon sa lahat. Kung tayo ay iisa, wala tayong magagawa; subalit kung kasama ang Diyos at ang kapwa, marami tayong magagawa!

Hindi lamang ito isang Team Building para sa akin, ito ay isang karanasang hindi malilimutan, angat talaga sa lahat! Sa lahat ng aking mga pinagdaanan sa araw na ito, masasabi kong tunay na biyaya sa akin – at sa amin – ng Diyos ang Mukha Ad.

MAD FOREVER! ^^
==
sirbitz.blogspot.com
urdose.blogspot.com

Ang Tao at ang Anak ng Diyos (Ikatlong Bahagi)

mula sa pagbabahagi ni Fray Aaron Reyes sa Man Session 1


AB DEO: Mula sa Diyos
Kawangis ng Diyos
Ano nga ba ang Diyos?

Sabi ni San Juan: “Deus Caritas est.” God is love. Diyos ay Pag-ibig sabi ng isang sikat na awit sa simbahan.

Sinasabi na tayo ay kawangis ng Diyos, hindi dahil sa pisikal na kamukha natin ang Diyos, kundi dahil tulad ng Diyos nagtataglay tayo ng kapangyarihang makaalam o intellect at kapangyarihang pumili ng malaya o freewill.

Ngunit bakit nga ba tayo pinagkalooban ng Diyos ng ganitong kapangyarihan? Sinasabi sa pilosopiya na: nil volitum quin precognitum. Ibig sabihin, walang ginugusto o ninanasa ng hindi muna nalalaman kung ano ito. Kung hindi mo alam na may MUKHA A.D. magagawa mo bang magdesisyon na magpunta ng MUKHA A.D?

Pwede rin natin sabihin na ang kahulugan nito ay ganito: “You cannot love whom you do not know” at “the more you know the more your love grows.” Kung madidiskubre mo na ang taong minahal mo pala sa simula dahil nagandahan ka lang ay naghihilik pala o isang beses lamang naliligo sa isang linggo, ngunit sa kabila nito e pinili mo pa ring mahalin, hindi ba mas wagas na pag-ibig ‘yon kaysa sa pag-ibig sa simula na dahil lamang alam mong maganda sya.

Sa principle na ito ipanapakita ang dalawang mahalagang sangkap ng pag-ibig. Ang volitum ay galing sa salitang volere na sa ingles ay to choose, at precognitum ay galing salitang cogitare na sa ingles ay to know.

Samakatuwid, masasabi natin na dahil sa mga kapangyarihang ito naging posible sa tao ang magmahal. At sa tuwing nagmamahal ang tao siya’y nagiging mas kawangis ng Diyos dahil sabi nga kanina: Deus Caritas est.

Gaano Katindi ang Kalayaan ng Tao?

Ito English ‘to para sosyal.

A philosopher (Rene Descartes if I am not mistaken) once said that if there is anything that make us somehow at “par” with God it is our freewill, our capacity to make our own free decision. The freewill is something either one has or has not. There is no such thing as you have a little freewill or more freewill than others. If it happens that we make mistakes in our use of our freewill it is not because it is defective, rather it is because of the limited range of our ability to see the whole picture of a situation, and hence we make mistakes in our decisions just as an archer misses his mark when his vision is impaired. Now, regardless of our mistakes, it remains true that the freewill is one of the reasons for our dignity and at the same time the reason for our responsibility regarding our own acts.

Sabi kapag nagmahal ka raw binibigyan mo ng kalayaan ang taong mahal mo. At kapag nagbibigay ka raw ng kalayaan nagbibigay ka ng mapagpipilian.
Ang Diyos, sa laki ng pagmamahal niya sa tao, binigyan n’ya ito ng kalayaan at mapagpipilian. Bawat isa sa atin ay tinatanong ng Diyos kung “Gusto mo ba ako o ayaw mo?” ‘Yon nga lang sa oras na hindi natin piliin ang Diyos nagdurusa ang ating katauhan hindi dahil sa pinarurusahan tayo ng Diyos kundi dahil gaya ng nasabi natin sa simula ang panlasa natin ay hinahanap-hanap ang lasa ng Diyos. Sa oras na hanapin natin ang lasa ng Diyos sa mga bagay na hindi Diyos, natatabangan tayo. Hindi tayo ganap na natutuwa. Parang may kulang.

Sa tingin ko, ganoon ang impyerno. Sa oras na maging buo at maging pangwalang-hanggan ang pasya natin na “bastedin” ang Diyos at hanapin ang lasa n’ya sa mga bagay na hindi s’ya, doon tayo nagsisimulang magdusa. Para bang uhaw ka kaya ka kumain ng asukal; pagod ka kaya ka nagjogging ng limang oras; hinahanap mo ang lasa ng Diyos kaya nagtungo ka at nagpakasasa sa mga bagay na hindi naman Diyos o walang kinalaman sa Diyos. Ang impyerno ay walang hanggang pagkain ng matabang: walang hanggang paghahanap sa lasa ng Diyos sa mga bagay na hindi naman Diyos.

Tayo ay malayang tumanggi sa alok ng Diyos. Ganoon katindi ang kalayaang kaloob ng Diyos. Kahit s’ya kaya nating tanggihan. Ang Diyos nasa lahat ng lugar at panahon. Pero dahil sa laki ng pagmamahal niya at paggalang sa kaloob niyang kalayaan sa tao, kahit gusto niya na makasama tao, ipinahintulot niyang magkaroon ng maaari nating sabihing “lugar, “oras,” “estado o kalagyan” kung saan hindi siya makikita o mararamdaman ng mga may ayaw sa kanya. If you tell the Lord, “I need space and I need time.” There you will have all the space you want and the eternity you desire.

Hindi namimilit ang Diyos. ‘Pag namwersa s’ya, hindi na pag-ibig ‘yon. Rape ‘yon! 

Ang Tao at ang Anak ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

(Click here for the first part)

mula sa pagbabahagi ni Fray Aaron sa Man Session 1 


Ang Lasa ng Diyos

Gusto mo ba ng pangit? Ok, ipagpalagay natin na wala kang pakialam sa pisikal na kagwapuhan o kagandahan, gusto mo ba ng pangit ang ugali?

Gusto mo ba ng masarap na pagkain? Ok, ipagpalagay nating wala kang pakialam sa lasa, syempre, gusto mo ‘yong nakakabusog di ba? 

Kapag masaya ka, di ba parang gusto mong huwag nang dumating ang bukas, at huwag nang matapos ang kasiyahang ito?

Di ba kapag may mabuting taong namatay tayo ay nalulungkot at sinasabi natin sana ‘yung presidente o mayor o ‘yong kaaway ko na lang ang namatay?

Gusto mo bang niloloko ka? S’yempre hindi ‘no? Gusto mo alam mo ‘yong totoo. Gusto nating malaman ang totoo, kahit sa bandang huli pwede tayong masaktan ng katotohanan, sabay magsisisi tayo na sana hindi na lang natin inalam. Pero bago mangyari ‘yon di natin naisip ang ganoon. Basta ang mahalaga malaman natin ang totoo.

Mahilig ka ba sa tsimis? Meron bang tsimoso’t tsismosa na nagtsimis ng tingin nila ay di totoo? Parang wala ‘no? Kahit tsimis ‘yon naniniwala sila na kahit papaano ay may katotohanan doon. At bentang- benta sa atin ‘yang mga tsimis na ‘yan. Kahit pa nga fictional character sa libro o sa manga.

Kapag nanood ka ng teleserye, o nagbabasa ka ng fiction novels, hindi ka makapaghintay na matapos ito o kaya ay ipalabas na agad ang susunod na kabanata. Hindi sanay ang utak natin sa mga ideyang bitin. Dapat makita ang ending, dapat makita ang kabuuan ng kwento, dapat makita ang katotohanan sa likod ng masalimuot na takbo ng mga pangyayari. Ganoon ka-obsessed ang tao sa katotohanan. Kahit pa ito’y patungkol sa mga gawang kathang-isip lamang.

Aminin na natin. Gusto natin ng mabuti, totoo, maganda, nakapagpapaligaya at walang katapusan. Ngunit sino o ano nga ba sa buong sansinukob ang tunay na mabuti, totoo, nakapagpapaligaya, walang katapusan at sakdal ang kagandahan? May kilala ka bang ganoon?

Mayroon! Syempre ang Diyos.

Kanina nabanggit na itinakda tayo ng Diyos sa sarili niya. Dahil dito hindi ba’t natural lamang na maghanap tayo ng mabuti, totoo, maganda, nakapagpapaligaya at walang katapusan? Nilikha tayo ng Diyos na hindi “poor taste.” Hindi “cheap” o “bakya” ang trip ng pagkatao natin. Tayo ay may panlasa na naghahanap ng lasa ng Diyos. Kung baga ang lasang ito o kaya ang amoy na ito ang gagabay sa ating paghahanap sa Diyos.

Ganoon din naman, lahat ng nilikha ng Diyos, kahit papaano’y nagtataglay ng lasa ng Diyos. Kaya nga nasasarapan tayo sa pagkain, nasisiyahan tayo sa mga bagay na pinagkakalibangan natin, nagwagwapuhan tayo o nagagandahan tayo sa kapwa natin, o (para doon sa mas mature na) nagagandahan tayo sa ugali ng kapwa natin kahit ano pa ang anyo nila. Iyon ay dahil sa Diyos sila galing. Sabi nga sa pilosopiya, Omne agens agit simile sibi. Kung ano ang gawin mo ipinapakita nito kung sino ka dahil mayroon itong pagkakatulad sa iyo. Kaya nga masasabi natin na sa mga taong ating minamahal at sa mga bagay na nagpapasiya sa atin, sa kanila natin nalalasap ang “patikim” ng lasa ng Diyos, ‘pagkat sila ay gawa ng Diyos.
‘Yon nga lang, dahil pawang lahat ay likha lamang ng Diyos, wala sa kahit isa sa atin ang nagtataglay ng ganap na kabutihan, kagandahan, katotohanan, kaligayahan, at kawalang hanggan.

Lahat ng kayamanan nauubos;
Lahat ng masarap na pagkain, nauubos o napapanis;
Lahat ng gwapo’t maganda, tatanda, kukulubot at babantot;
Lahat ng kaalaman, katotohanan, at tsimis sa mundo nagtatapos sa mas maraming tanong;
Lahat ng kasiyahan may katapusan, tulad bukas Lunes na naman;
Lahat ng mabuting tao, kahit anong buti pa niya, balang araw siya’y mamamatay.

Kaya nga ang pinakamahalagang utos ng Diyos sa tao ay ganito: IBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIYOS NG BUONG PUSO, BUONG KALULUWA, AT BUONG LAKAS, dahil S’ya lamang ay nagtataglay ng tunay na lasa na hinahanap natin. Hindi naman sinasabi ng Diyos na itakwil na natin ang lahat ng nilikha Niya. Ayos lang namang matuwa tayo sa kanila dahil kaloob sila ng Diyos sa atin at kahit papaano’y larawan sila ng Diyos. Kaya nga ang pagmamahal sa kapwa at sa lahat ng nilikha ng Diyos ay patunay lang nang ating masigasig na paghahanap sa Diyos. Ang masama ay kung hanggang doon lamang ang kaligayahan natin sa buhay. ‘Yon ang tinatawag nilang: “Yuck! Poor taste!”

Ang Tao at ang Anak ng Diyos (Unang Bahagi)

hango mula sa pagbabahagi ni Fray Aaron Reyes sa 'Man' Session 1


Marami tayong masasabi kung ano tayo at sino tayo. Ngunit kung meron man na makapagsasabi ng pinakamahalagang katotohanan kung ano tayong mga tao, ‘yon ay walang iba kundi ang Diyos na lumikha sa atin.

Sa pitong titik ng MUKHA A.D., dalawa dito ang pinakamahalaga, ang A at D. Sapagkat dito natin makikita ang pinakadahilan kung bakit may MUKHA A.D.: ang Anak ng Diyos na s’yang nais nating makatulad sa paghubog sa atin sa MUKHA A.D. Natural na resulta na lang nito ang masiglang ugnayan. Bonus kung baga.

Sa pamamagitang din ng dalawang titik na ito ay susubukan nating pagnilayan ang mga sumusunod na katanungan: Sino tayong mga tao? Ano ang plano ng Diyos para sa atin? At ano ang mahalagang papel ng Anak ng Diyos sa kapalaran nating mga tao?

I. Sino Tayong mga Tao?

AD DEUM: Para sa Diyos

“Our hearts are restless until they rest in you”

May isang babae na inis na inis nang sabihan siya ng isang lalake ng ganito: “Piliin mo lang ako at liligaya ka.” Malamang pumasok sa isip ng babae, “assuming.” Lalo na siguro kung hindi niya type iyong lalake. Pero malamang kung saksakan ng gwapo ‘yung lalake at type na type naman sya n’yung babae, hindi siguro magagalit ‘yung babae. Malamang, sa oras na iyon ay sagutin niya agad ito ng “Oo.”

Ngayon kung sabihin ng Diyos ang ganoon sa atin, “Piliin mo lamang ako at liligaya ka.” Masasabi ba natin sa Diyos na “assuming” s’ya? O kaya’y “Feeling mo naman, Lord.”

Ganito ang itinuturo ng ating pananampalataya: tayo ay itinakda ng Diyos para sa kanya. Sa unang tingin parang napakamakasarili ng Diyos o di naman kaya ay napaka-assuming naman niya na liligaya tayo sa kanya. Ngunit, mali nga bang iderekta tayo ng Diyos sa sarili niya? Bunga nga ba ito ng pagiging makasarili niya.

Maraming magulang ang sinasabi sa kanilang mga anak na edukasyon lamang ang kayamanang kanilang maiiwan para sa kanilang mga anak. ‘Yon namang iba gusto ng shortcut. “Anak, mag-asawa ka na lang ng mayaman. Kahit pangit. At least may pera ka at mabibili mo na ang kahit anong gusto mo. Mababalatuhan mo pa kami.” Halos lahat ng magulang idinederekta ang mga anak nila sa kung anong tingin nila ay “makakabuti” dito. Hindi nila idinederekta ang mga anak nila sa sarili nila, dahil alam nila wala sa kanila ang kaligayahan ng kanilang mga anak. Alam nila na darating din ang panahon at lilipas ang kanilang lakas, at hindi na nila magagawa pang mapunan ang mga pangangailangan ng kanilang anak. Malinaw na malinaw na wala sa kanila ang kaligayahan ng kanilang mga anak kundi “external” ito sa kanila. Kung may magulang lamang na kayang mabuhay magpakailanman at kayang ibigay lahat ng makapagpapaligaya at mabuti sa kanilang anak, malamang ang magulang na ito ay hindi na idederekta ang kanilang mga anak sa mga na “external” sa kanila tulad ng edukasyon at mayamang asawa.

Ganoon ang mga mortal nating magulang, ngunit hindi ang Diyos. Wala s’yang hangganan at nasa kanya ang lahat ng makapagpapaligaya sa atin. O para mas tama, siya lamang ang makapupuno sa lahat ng kauhawan natin. Hindi external sa Diyos, o wala sa labas n’ya ang tunay na kaligayahan dahil s’ya mismo ang kaligayahan. At malinaw sa kanya ang katotohanang ito. Alam na alam n’ya iyon. Kaya walang kagatol-gatol, ni halong pagyayabang o pagkamakasarili na masasabi sa atin ng Diyos, “Piliin mo lamang ako at liligya ka.”